Nation

6 ISKUL SA EDSA TUTUTUKAN NG MMDA

/ 1 March 2022

ANIM na paaralan na nakatayo sa kahabaan ng EDSA ang tututukan ng Metropolitan Manila Development Authority sa panahon ng pag-iral ng Alert Level 1.

Ito ang inihayag ni MMDA traffic czar Col. Bong Nebrija sa gitna ng napipintong matinding daloy ng trapiko sa nasabing dambuhalang kalsada.

“Tututukan namin ang anim na paaralan diyan sa EDSA na nagiging sanhi ng choke points,“ pahayag ni Nebrija.

Ang naturang mga eskuwelahan ay ang Manila Central University, Bonifacio Elementary School sa Caloocan, San Francisco Highschool, Ramon Magsaysay High School, Philippine Women University-QC Campus at Saint Pedro Poveda College.

Paliwanag ng traffic czar na layunin ng pagtutok na maibsan ang pagsisikip ng daloy ng trapiko sa tapat ng naturang mga paaralan.

Samantala, tatlo hanggang pitong araw ang kanilang pag-aaral para makuha ang volume count sa EDSA sa harap ng pagpapatupad ng Alert Level 1 upang mailatag ang kanilang gagawin para maibsan ang matinding trapik.