57% NG LEARNING MODULES IPAMAMAHAGI NA SA MGA GURO
ISANG buwan bago ang pagsisimula ng e-Leaning sa Oktubre 5, kumpiyansa ang Department of Education na naplantsa na ang mga gusot para sa pagbabalik-eskuwela ng mga estudyante.
Ayon kay Education Usec. Revsee Escobedo, 57 percent ng learning modules ang nakahanda nang ipamahagi.
Puspusan na rin ang pagpi-print ng learning modules ng bawat school division.
Sinabi ni Escobedo na nagpapatuloy sa ngayon ang psychosocial activities para sa mga guro at staff ng mga paaralan bilang paghahanda.
Isinasagawa na rin ang mga virtual orientation at kumustahan sa mga class adviser, gayundin sa mga magulang na magsisilbing facilitator sa distance learning.
Inihayag naman ni DepEd-NCR Regional Director Malcolm Garma na lahat ng school division offices sa National Capital Region ay naabot ang 100 percent na target enrollment rate para sa school year 2020 to 2021.
Dagdag pa ni Garma na 14 sa 16 na school division offices na ang nakapagsagawa ng simulation at susunod na rin ang iba pa sa mga susunod na araw.
Base sa pinakahuling tala, 86.10 percent na ang enrollment rate ng DepEd.
Katumbas ito ng 23.9 million na estudyante sa public at private schools at sa Alternative Learning System.