525K ESTUDYANTE NG PRIVATE HEIs MAPAG-IIWANAN SA MATAAS NA PRESYO NG ONLINE SYSTEM
NANGANGAMBA si Senador Win Gatchalian na maisasakripisyo ang edukasyon ng may 525,000 estudyante ng small and medium-sized private universities dahil sa transition sa flexible learning bunsod ng Covid 19 pandemic.
Ipinaliwanag ni Gatchalian na dahil sa mataas na presyo ng online system, posibleng hindi ito kayanin ng maliliit na pribadong unibersidad.
“I found out that an online system is very expensive. It’s not cheap,” pahayag ni Gatchalian na inihalimbawa pa ang karanasan sa Pamantasan ng Lungsod ng Valenzuela.
“Smaller universities may have a difficult time in acquiring an online system. My fear is if we don’t help the small, medium private universities, more than 50 percent of the population in our universities will be affected,” dagdag pa ng senador.
Ayon kay Commission on Higher Education Chairman Prospero De Vera III, mahigit 1,000 ang small private universities sa bansa na nagbibigay serbisyo sa 525,000 estudyante.
Sinabi pa ni De Vera na bagama’t mayroong free software para sa learning management systems, maaring kapos naman ang maliliit na unibersidad sa hardware at manpower para sa system.
Sinang-ayunan din ito ni Gatchalian at sinabing bukod sa limitadong financial capacity, kapos din ang technical experts sa mga small institution para mag-install ng online at flexible learning systems.
“Without the systems and expertise to implement remote learning, the students of these small schools would eventually suffer,” pagbibigay-diin ni Gatchalian.
Dahil dito, muling iginiit ng mambabatas na dapat ay bumalangkas din ang national government ng mekanismo upang matulungan ang maliliit na pribadong unibersidad at kolehiyo.
“Ang pagkakaroon ng moderno at matatag na sistema ng edukasyon ay mahalaga sa pagbangon ng ating bansa mula sa mga naging epekto ng pandemya. Hindi na natin dapat paghintayin pa ang modernisasyon ng ating mga paaralan, kabilang ang ating mga pamantasan, upang maipagpatuloy natin ang edukasyon at matugunan ang pangangailangan ng ating mga mag-aaral,” pahayag pa ni Gatchalian.