500 DAGDAG NA MEDICAL SCHOLARS PASOK 2021 DOH BUDGET
NASA 500 karagdagang estudyante na nais kumuha ng kursong medisina ang mabibiyayaan ng scholarship sa ilalim ng pondo ng Department of Health para sa 2021.
Sa plenary deliberations, kinumpira ni Senador Pia Cayetano, sponsor ng proposed 2021 budget ng DOH, na pasok sa pondo ng ahensiya ang alokasyon para sa 1,837 medical scholars mula sa kabuuang 3,492 scholarship grants ng ahensiya.
Popondohan ito ng kabuuang P649,188,000 kung saan kinonsidera na ang posibleng implementasyon ng Doktor Para sa Bayan o ang Medical Scholarship Bill na naipasa na ng Kongreso at naghihintay na lamang ng lagda ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ipinaliwanag ni Cayetano sa pagtatanong ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na ang bilang ay mataas ng 500 mula sa 1,357 medical scholars ngayong taon.
Kinumpirma rin ng DOH sa pamamagitan ni Cayetano sa deliberasyon na may 156 medical scholars ang nakapagtapos sa academic year 2019-2020 na pawang naka-deploy sa Doctors to the Barrio program ng DOH.
Samantala, inihayag din ni Cayetano sa deliberasyon na kailangan na ring pagtuunan ng pansin ng mga mambabatas ang posibleng kakapusan ng mga nurse at midwife sa mga susunod na panahon.
Ipinaliwanag ni Cayetano na sa kasalukuyang bilang ng mga nurse na gumagraduate, posibleng kapusin ang bansa pagsapit ng 2030 o 2040.