50% NG NAKAIMBAK NA LAPTOP NG DEPED NAILABAS NA SA BODEGA
KINUMPIRMA ni Education Secretary Juan Edgardo Angara sa Senado na nailabas na sa bodega ang 50 porsiyento ng mahigit 1.5 milyong laptops na nakaimbak ng may apat na taon o mula pa noong 2020.
Subalit sa mga nadiskubre aniyang malalaking classroom furnitures, 10 porsiyento pa lamang ang kanilang nailalabas mula sa mga warehouse.
Sa pagtalakay ng Senate SubCommittee on Finance D sa proposed 2025 budget ng DepEd, sinabi ni Angara na katuwang nilang naglabas ng mga laptop at iba pang kagamitan ang Philippine Air Force, ilang ahensiya ng gobyerno at pribadong indibidwal.
Ilang lokal na pamahalaan din, ayon kay Angara, ang nagboluntaryong tumulong matapos lumabas ang impormasyon.
Ipinaliwanag ni Angara na minadali na nila ang paglalabas at distribusyon ng mga laptop dahil mayroong lifespan ang ganitong teknolohiya.
Subalit tiniyak naman sa kanya ng ilang information technology experts ng kanilang ahensiya na maaari pang i-reboot o i-repurpose ang mga laptop bagama’t hindi magiging kasing husay ng mga bagong labas na computer.
Una nang kinumppirma ni Angara sa budget hearings sa Kamara na natuklasan nila ang 1.5 milyong laptops, mga libro at furnitures na nakaimbak sa bodega na laan sana para sa mga guro at mga paaralan.
Nabatid na hindi nai-deliver ng logistics company na Transpac ang mga gamit dahil nagkaroon ng alitan sa mga supplier ng laptops at iba pang kagamitan.
Nangako ang kalihim na hindi na mauulit ang mga ganitong pangyayari dahil nagtakda na sila ng mga patakaran na ang mananalong bidder sa kanilang mga supplies ang magdedeliber sa mga recipients.