5 BUSINESS COURSES SA UNIVERSITY OF CALOOCAN CITY KINILALA NG CHED
LIMANG kurso na may kaugnayan sa pananalapi at hanapbuhay sa University of Caloocan City ang kinilala ng Commission on Higher Education.
Ang limang kurso sa UCC na ginawaran ng Certificate of Program Compliance ay ang Bachelor of Science in Business Administration Major in Marketing Management, BSBA Major in Financial Management, BSBA Major in Human Resource Management, BS Office Administration at BS Entrepreneurship.
Ang COPC ay iginagawad sa mga unibersidad na sumusunod sa mga polisiya, pamantayan at panuntunan ng Komisyon upang matiyak ang dekalidad na edukasyon para sa mga mag-aaral.
Bilang pagbati, ipinaabot ni Mayor Oca Malapitan ang kanyang pasasalamat sa buong UCC, sa pangunguna nina University President-OIC Dr. Marilyn De Jesus, VP for Academics Atty. Rod Vera at College of Business and Accountancy Dean Dr. Shirly Saragcon.
Magugunitang noong nakaraang taon ay natanggap din ng UCC ang COPC mula sa CHED para sa apat na programa ng Computer Studies at isa para sa BS Criminology.
“Sa kabila ng pandemya, salamat sa ating patuloy na pagbibigay ng libre ngunit dekalidad na edukasyon na karapat-dapat maibigay sa mga mag-aaral ng Caloocan. Patuloy tayong magsikap tungo sa magandang kinabukasan ng bawat estudyante sa lungsod,” pahayag ng alkalde.