Nation

4Ps STUDENTS TUTUTUKAN NG DSWD

/ 12 October 2020

BABANTAYAN ng Pantawid Pamilya Pilipino Program workers ang kalagayan ng pag-aaral ng mga benepisyaryong mag-aaral sa panahon ng distance learning matapos na alisin ang force majeure declaration noong nakaraang Marso.

Sanhi ng pandemya at kwarentena ay idineklara noong Marso ni Department of Social Welfare and Development Secretary Rolando Bautista ang ‘force majeure’, dahilan para pansamantalang itigil ang ilang mga mandatong aktibidad ng 4Ps beneficiaries sa buong Filipinas, kasama ang pagpapahinga ng mga anak sa pagpasok sa eskuwela.

Subalit nitong Setyembre 30, ayon sa panayam kay Antique 4Ps Provincial Link Jeffrey Gabucay, ang force majeure ay inalis nang tuluyan,  sang-ayon sa Resolution 3 ng 4Ps National Advisory Council.

Ibig sabihin nito, paunti-unti nang ibabalik ang mga pulong at aktibidad na noon ay regular na ginagawa. Mayroon itong diin sa pangangailangang ang mga anak ng 4Ps families ay enrolled sa alinmang paaralang akredito ng Department of Education.

Para masigurong sumusunod dito ang mga pamilya’y inatasan ang mga 4Ps worker na i-monitor kung nag-aaral pa ba ang mga bata minsan kada dalawang buwan.

Sa ngayon ay wala pang hawak na datos ang konseho kung ilan ang mga nakasunod sa panuntunan sapagkat patuloy pa rin naman ang enrollment hanggang Nobyembre.

Ayon kay Gabucay, magkakaroon ng kaunting luwag sa monitoring. Kung noon ay binubusisi ang absences at tardiness ng bata, ngayon ay hindi na ito isasagawa sapagkat wala namang face- to-face classes.

Gayunpaman, nararapat na 85 porsiyento ng self-learning modules ay nasagutan. Paalala ni Gabucay, responsibilidad ng 4Ps families na i-enroll ang kanilang mga anak sa eskuwela kahit pa ngayong may pandemya. Kung hindi, sila ay aalisin sa listahan ng mga benepisyaryo.

“Those not attending school will be subject to case management and eventual removal of their grants,” sabi pa niya.