4K ESTUDYANTE APEKTADO SA PAGPAPASARA SA MASA
NASA 4,000 estudyante na dating sakop ng Makati ang direktang apektado sa biglaang pagpapasara ng Taguig City sa Makati Aqua Sports Arena kahit hindi ito kasama sa closure order na inisyu ng lungsod.
Malungkot na ibinalita ito ni Makati City Mayor Abby Binay at sinabi na “sorry sa aking mga batang Proud Makatizens. Kasamaang palad at pati ang MASA ay ipinasara.”
Bago ang pagpapasara sa MASA ay kinandado ng Taguig City ang Makati Park and Garden dahil sa kawalan ng business permit at sakop na ito ng lungsod kasunod ng desisyon ng Korte Suprema na naglalagay sa 10 EMBO sa hurisdiksiyon ng Taguig.
“Dahil dito ay naantala ang schedule ng 15 paaralan sa Makati na dapat ay may swimming lessons dito ngayong Marso at Abril.
“Bukod dito, ang mga estudyante ng University of Makati at HSU ay regular na may swimming classes sa nasabing pasilidad,” ayon sa pahayag ng Makati LGU.
Mariing kinondena ng Makati ang patuloy na pagsakop ng Taguig sa private properties nito at nilinaw ni Binay na hindi sakop ng desisyon ng SC ang nasabing mga establisimiyento.