440 PRIVATE SCHOOLS MAGSASARA
PANSAMANTALA umanong magsasara at tigil-operasyon ang umaabot sa 440 mga pribadong paaralan ngayong academic year 2020 – 2021.
Inihayag ito ng Department of Education bunsod na rin ng mababang bilang ng mga nag-enroll sa mga naturang eskuwelahan.
Ayon kay Education Usec. Revsee Escobedo, pinakamaraming pribadong paaralan ang nagsuspinde ng operasyon sa darating na school year 2020-2021 sa Central Luzon na umaabot sa 88.
Sinusundan ito ng Calabarzon na mayroong 67 at National Capital Region na 54 na mga pribadong eskuwelahan, habang hindi pa nakakapagsumite ng kanilang datos ang Bangsamoro region.
Sinabi ni Escobedo na pangunahing dahilan ng mababang enrollment turnout sa mga pribadong paaralan ang epekto sa income ng mga pamilya dahil sa Covid19 pandemic.
Sa pinakahuling tala ng DepEd, mahigit 398,000 mga estudyante mula sa private school ang lumipat na sa mga pampublikong paaralan para sa darating na academic year.
Itinakda ng DepEd sa Oktubre 5, 2020 ang pagbubukas ng klase matapos itong iurong mula Agosto 24 ngayong taon.