404 ESTUDYANTE NAG-SUICIDE NOONG 2021 — DEPED
AMINADO si Senador Sherwin Gatchalian na labis nang nakaaalarma ang kondisyon ng mental health ng mga estudyante sa basic education.
Ito ay makaraang ihayag ni Department of Education Assistant Secretary Dexter Galban sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education and Culture na may kinalaman sa panukala para sa pagpapalakas ng promosyon ng mental health services sa mga paaralan.
Batay sa datos, sinabi ni Galban na nitong School Year 2021-2022, nakapagtala sila ng 404 na suicide cases sa mga estudyante bukod pa sa 2,147 na mag-aaral na nagtangkang magpakamatay sa iba’t ibang kadahilanan.
Naitala rin ng DepEd ang 775,962 learners na nagpasaklolo sa mga guidance couselor na katumbas ng 2.85 percent ng total population ng basic education students.
Naniniwala si Galban na mas malaki pa ang numero ng mga estudyante na apektado ang mental health dahil posibleng marami pa ang hindi nagrereport.
Aminado ang opisyal na malaki ang kakulangan ng mga paaralan sa guidance counselors na sa kasalukuyang ratio ay nasa isang guidance counselor sa mahigit 13,000 na estudyante gayong ang ideal ratio ay one is to 250 students.
Sa isinusulong na Senate Bill 379, ipinapanukala ni Gatchalian ang hiring at deployment ng dagdag na mental health professionals at pagkakaroon ng plantilla positions ng guidance associates sa DepEd.