Nation

40 KATUTUBONG WIKA NANGANGANIB MAGLAHO

SA PAGBUBUKAS ng selebrasyon para sa Buwan ng Wika ngayong Agosto, inilatag ng Komisyon sa Wikang Filipino ang kanilang mga aktibidad at programa para sa nasabing okasyon.

/ 1 August 2023

SA PAGBUBUKAS ng selebrasyon para sa Buwan ng Wika ngayong Agosto, inilatag ng Komisyon sa Wikang Filipino ang kanilang mga aktibidad at programa para sa nasabing okasyon.

Nitong Hulyo 27 ay binuksan na ng komisyon ang kanilang gagawin sa pamamagitan ng pulong balitaan sa Audio Visual Room sa gusali ng Philippine Information Agency sa Quezon City.

Narinig kay Kgg. Benjamin M. Mendanillo, Jr. PhD ang bating pagtanggap sa mga dumalong akademiko at miyembro ng media na kanilang katuwang sa pagpapalaganap sa kanilang mga programa ng pagpapayaman sa wikang Filipino.

Tampok sa nasabing pulong balitaan ang mga programang ilalatag sa pagdaraos ng Buwan ng Wika.

Ayon sa KWF, ang selebrasyon ay sesentro sa temang Filipino at mga Katutubong Wika gaya ng Wika ng Kapayapaan, Seguridad at Inklusibong Pagpapatupad ng Katarungang Panlipunan.

Magkakaroon din ng webinar, paglulunsad ng mga publikasyon o book fair, pagpaparangal sa mga piling indibidwal at organisasyon na nagpakita ng pagtangkilik sa wikang Filipino.

Samantala, magsasagawa ng masusing pananaliksik at pag-aaral ang KWF para tuklasin ang iba pang katutubong wika at diyalekto sa bansa sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika.

Sinabi ni Gng. Lourdes Hinampas, pinuno ng Sangay ng Leksikograpiya at mga Korpus ng Pilipinas ng KWF, na sa kasalukuyang tala ay may 135 katutubong wika sa bansa.

Habang mayroon namang 40 katutubong wika sa bansa ang nanganganib na mawala dahil hindi na ito masyadong ginagamit sa lugar kung saan ito katutubong umusbong.

Kaya ang ginagawa nila ay pagsagip sa wika gaya sa Abucay, Bataan at pagpapalakas ng Bahay Wika o pagtuturo ang mother tongue.