Nation

394,478 MAG-AARAL SA PUBLIC LUMIPAT SA PRIVATE SCHOOLS

/ 14 August 2020

HALOS 400,000  mag-aaral mula sa pribadong paraalan sa buong bansa ang lumipat sa mga pampublikong paaralan sa para darating na pasukan, ayon sa Department of Education.

Base sa pinakahuling tala ng Kagawaran, nasa 394,478 mga mag-aaral sa pribadong paaralan ang nag-enrol sa mga pampublikong paaralan para sa school year 2020-2021.

Sa naturang bilang,  240,784 ang sa elementarya; 105,679 sa junior high school (Grades 7-10); 41,630 sa senior high school (Grades 11 and 12) at 6,386 sa non-graded learners with disabilities.

Samantala, umabot na sa 23.11 milyong mga mag-aaral ang nag-enroll sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa buong bansa ngayong school year.

Sa  pinakahuling datos ng DepEd, nasa 23,117,793 ang enrollees sa Kindergarten hanggang Grade 12, kasama na ang mga nasa Alternative Learning System (ALS) at non-graded learners with disabilities. Ang naturang bilang ay 83.18 porsiyento lamang ng kabuuang bilang ng enrollment sa nakaraang school year kung saan umabot sa 27.7 milyong mga mag-aaral ang nag-enrol.

Sinabi pa ng DepEd na 21,507,811 mag-aaral o 95.28 porsiyento ng nakaraang taong enrollment ang nag-enrol sa mga pampublikong paaralan habang 1,569,035 naman o 36.45 porsiyento ng kabuuang bilang ng mga mag-aaral na nag-enroll noong nakaraang taon  ang nagpatala sa mga pribadong paaralan para sa darating na school year.

Ayon pa sa DepEd, inaasahan pa na tataas ang bilang ng mga mag-e-enroll dahil tatanggapin pa  ang  late enrollees hanggang Setyembre.

Pormal na bubuksan ang klase sa Agosto 24 sa pamamagitan ng distance learning modality dahil ipinagbabawal pa sa ngayon ang face-to-face classes dahil sa banta  ng Covid19 pandemic.

Sinabi pa ng Kagawaran na habang pinaghahandaan nang husto ang online learning, ihahatid naman sa bahay-bahay ang mga learning material na gagamitin ng mga mag-aaral.

Gagamit din ng radyo at telebisyon ang ahensiya para  sa mga batang walang gadget at akses sa internet.

Bukod sa online learning, maaaring gumamit ng modular, radio and television based instruction at iba pang modalities sa ilalim ng basic education learning continuity plan ng ahensiyavupang matiyak na tuloy-tuloy ang pagkatuto ng mga bata bagama’t may pandemya.