Nation

3,828 GURO SA CALOOCAN BAKUNADO NA

/ 29 July 2021

NASA 3,828 guro sa lungsod ng Caloocan ang nabakunahan na kontra Covid19 noong Martes, Hulyo 27.

Ayon sa City Health Department, ang mga bakuna na ginamit sa mga guro ay ang AstraZeneca na binili mismo ng pamahalaang lungsod.

Anim na paaralan ang ginamit bilang vaccination sites para sa mga guro at ang mga ito ay ang Deparo Elementary School, Pag-asa Elementary School, Bagong Silang Elementary School, Camarin High School, Central Elementary School at Maria Clara Elementary School.

Naging matagumpay ang pagbabakuna sa mga guro dahil sa patuloy na pagtutulungan ng DepEd Caloocan at ng pamahalaang lokal ng Caloocan.

“Mahalaga na mabakunahan natin ang mga nagsisilbing tagapagtaguyod ng edukasyon. Bagama’t hindi pa rin face-to-face ang klase, batid natin na kinakailangan pa ring lumabas ng ating mga guro upang maitaguyod ang blended learning ng ating mga mag-aaral,” pahayag ni Mayor Oca Malapitan.

Matatandaan na inisyal na 17,200 doses ng AstraZeneca na binili ng pamahalaang lungsod ang dumating noong nakaraang Linggo.