376 SPED LEARNERS SA NAVOTAS NAKATANGGAP NG CASH AID
SINIMULAN na ang pamahalaang lungsod ng Navotas ang distribusyon ng cash allowance sa special education students.
Nasa 376 benepisyaryo ng Persons with Disabilities Students Educational Assistance/Scholarship ang nakatanggap ng cash aid.
Sa nasabing bilang, 341 ay mula sa elementarya, 13 sa high school, at 22 ang college students.
Sa ilalim ng scholarship program, magbibigay ang Navotas sa PWD students ng P500 monthly educational assistance o P5,000 kada academic year.
Ayon kay Mayor Toby Tiangco, layon nito na kahit sa munting paraan ay matulungan sila ng pamahalaang lungsod sa kanilang pag-aaral.
Ang mga aplikante sa programa ay kailangang Navoteños o kahit isa sa kanilang mga magulang /guardians ay bonifide resident at rehistradong botante sa lungsod.
Kailangang magpatala sila sa isang pampublikong paaralan o anumang paaralan na SPED sa lungsod.
Dapat ay mayroon din silang PWD identification card na inisyu o validated ng Persons with Disability Affairs Office at ang kanilang pamilya ay hindi dapat benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.