Nation

300 LEARNERS SA PARANAQUE BENEPISYARYO NG SPES

/ 27 July 2022

INILUNSAD ng Parañaque City government nitong Hulyo 25 ang Special Program for Employment of Students.

Sinabi ni Parañaque City Mayor Eric Olivarez na ang paglulunsad ng SPES na kanyang inihayag sa regular na virtual flag ceremony na ginanap sa Parañaque City Hall quadrangle ay nilahukan ng 300 estudyanteng naging benepisyaryo ng programa na dadaan muna sa facets ng public service na maitatalaga sa iba’t ibang tanggapan sa city hall.

Ayon kay Olivarez, ang bawat benepisyaryong estudyante ay makatatanggap ng P570 allowance kada araw sa loob ng 30 araw o may kabuuang P17,100 sa loob ng isang buwan na makatutulong sa kanilang pagkakagastusan sa darating na pasukan.

Ang paglulunsad ng SPES ay ginanap sa San Antonio gym at dinaluhan ng 150 estudyante na bumubuo sa unang batch ng benepisyaryo na nakapagsimula nang magtrabaho mula Hulyo 25 hanggang Setyembre 5.

Sinabi ni Olivarez na ang ikalawang batch ng mga estudyante ay magsisimulang magtrabaho sa Agosto 1 na magtatagal hanggang Setyembre 12.

Paliwanag ni Olivarez na sa  P570 na tinatanggap ng bawat benepisyaryo ng SPES kada araw, P342 dito ay manggagaling sa lokal na pamahalaan habang ang natitirang P228 ay sa Department of Labor and Employment.

Idinagdag pa ni Olivarez na ang SPES ay isang taunang programa ng lokal na pamahalaan na magbibigay ng oportunidad sa mga estudyante na makapagtrabaho at kumita nitong bakasyon na magagamit sa kanilang enrollment sa darating na pasukan.