300 FILIPINO STUDENTS SWAK SA INTERNSHIP PROGRAM SA MIDDLE EAST, EUROPE
MULING makikilala ang mga Pinoy sa ibang bansa dahil kabilang ang nasa 300 Filipino students sa internship program na pinangungunahan ng Philippine Business Council, sa pakikipagtulungan ng British University sa Ras Al Khaimah sa United Arab Emirates.
Ang mga Pinoy ay kasama sa halos 1,000 estudyante ng Bath Spa University.
Sinabi ni Saeed Mir, Emirati-Filipino student, na ang internship program ay malaking tulong sa mga estudyante na naghahanap ng karanasan matapos ang pag-aaral at hindi na sila mahihirapang maghanap pa ng trabaho.
Suportado ng ilang malalaking kompanya mula sa iba’t ibang industriya ang internship program. Maging ang Philippine Consulate General-Dubai ay naniniwala na malaking tulong ito sa mga estudyanteng Pinoy.
Ipinaliwanag naman ni Sharina Manaog, Corporate Affairs Executive ng Bath Spa University, na ang layunin ng internship program ay ang mabigyan ng world-class opportunity ang mga Filipino students na nag-aaral sa UAE.
Tatagal ng tatlong buwan hanggang isang taon ang internship program na magsisimula ngayong taon.