3 PANG SATELLITE CAMPUSES NG CEBU TECHNOLOGICAL UNIVERSITY IPINATATAYO
ISINUSULONG ni Cebu 3rd District Rep. Pablo John Garcia ang mga panukala para sa pagtatayo ng dagdag na campuses ng Cebu Technological University.
Sa House Bill Nos. 7924, 7925 at 7926, nais ni Garcia na magkaroon ng satellite campus ang CTU sa mga bayan ng Asturias at Pinamungajan, gayundin sa lungsod ng Toledo.
Sa ngayon, ang CTU ay may main na campus sa Cebu City at may siyam na satellite campuses sa Argao, Barili, Carmen, Daanbantayan, Danao, Moalboal, San Francisco at Tuburan.
“In order to achieve the mission of the CTU to provide advanced professional and technical instruction for special purposes, advanced studies in industrial trade, agriculture, fishery, forestry, aeronautics and land-based programs, arts and sciences, health sciences, information technology, and other relevant fields of study, there is a need to further expand the university,” pahayag ni Garcia sa kanyang explanatory note.
Sinabi ng kongresista na sa pamamagitan ng pagtatayo ng karagdagang satellite campuses sa Asturias, Pinamungajan at Toledo, mas maraming kabataan ang mabibigyan ng oportunidad para sa dekalidad na edukasyon at trabaho sa mga susunod na panahon.
Sa datos, ang lungsod ng Toledo ay 3rd class city na may populasyon na 170,335 habang ang munisipalidad ng Asturias ay 3rd class municipality na may populasyon na 47,857 at ang Pinamungajan ay second class municipality na binubuo ng 26 barangays at may populasyon na 65,955.
Ang mga itatayong satellite campus ay mag-aalok ng short-term technical-vocational education and training courses, undergraduate, at graduate degree programs.
Batay pa sa mga panukala, mandato ng mga itatayong campuses na magsagawa ng research and extension services at production activities bilang suporta sa socio-economic development ng lalawigan.