Nation

3 PANG NATIONAL HIGH SCHOOL IPINATATAYO SA BUKIDNON

/ 19 April 2021

TATLONG panukalang batas ang inihain ni Bukidnon 4th District Rogelio Neil Roque na naglalayong magtayo ng tatlo pang national schools sa kanilang lalawigan.

Partikular na ipinatatayo ni Roque sa kanyang House Bill Numbers 4282, 4283 at 4284 ang magkakahiwalay na high schools sa Valencia City.

Sa kanyang mga panukala, nais ng kongresista na magkaroon ng national high school sa Barangay San Carlos, Barangay Kahaponan at Barangay Bagontaas.

Ipinaalala ng mambabatas sa kanyang mga panukala na mandato ng estado na magtayo at magmantina ng sistema ng libreng edukasyon sa elementary at high school levels para sa mamamayan.

Iginiit pa ni Roque na sa pamamagitan ng tatlong bagong national high school, mabibigyan ng oportunidad para sa dekalidad na edukasyon ang mga residente ng tatlong nabanggit na barangay.

Sa kasalukuyan, malayo ang mga paaralan sa tatlong mga barangay at kinakailangan pang bumiyahe ng malayo ang mga estudyante upang makapasok.

“The establishment of the proposed national high school is in consonance with the State’s constitutional duty to protect and promote the right of all citizens to quality education at all levels and to take appropriate steps to make education accessible to all,” pahayag pa ni Roque sa kanyang mga explanatory note.