3 ORAS NA EDUCATIONAL TV PROGRAMS ISINUSULONG
ISINUSULONG sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang resolusyon na humihikayat sa lahat ng pribado at pampublikong television stations na maglaan ng tatlong oras para sa educational programs.
Layon ng House Resolution 1263 na inaprubahan ng House Committee on Sustainable Development Goals na maisakatuparan ng bansa ang commitment nito sa United Nations 2030 Development Agenda para sa dekalidad at tuloy-tuloy na edukasyon.
Ang resolusyon ay inihain nina Representatives Anna Marie Villaraza-Suarez, Mohamad Khalid Dimaporo, Geraldine Roman, David Suarez, Deogracias Victor Savellano at Jocelyn Tulfo.
Iginiit ng mga mambabatas na dahil sa pinaiiral na quarantine protocols dulot ng Covid19 pandemic, marami sa mga estudyante ang nahuhumaling sa paglalaro sa kanilang gadgets o panonood ng non-educational TV programs.
“The responsibility of providing school-age children with stimuli that will ensure continuous learning at home are shared equally by parents, school authorities, and media companies which programs are easily accessible and available to students,” pahayag pa ng mga mambabatas sa resolusyon.
Binigyang-diin pa sa resolusyon na mahalaga ang papel ng telebisyon sa paghubog sa kabataan lalo’t ito ang pinakamura at madaling information platform sa bansa.
Iginiit din ng mga mambabatas na kailangang magtulungan ang pribadong sektor at ang gobyerno para matiyak na maisasakatuparan pa rin ang pagkatuto ng kabataan.
Sinabi pa nila na hindi rin naman malulugi ang television stations dahil makakukuha rin ang mga ito ng kita sa educational programs lalo pa’t malinaw ang kanilang targeted audience.