Nation

2K PANG GADGETS IPINAMIGAY NI ‘KAP’

/ 14 October 2020

BUKOD sa naunang mahigit 2,000 gadgets, umabot sa 2,098 ang panibagong cellphone, laptops at tablets na ipinamahagi ni Senador Ramon Revilla Jr. sa ikalawang bahagi ng kanyang ‘Gadget Giveaway’.

Kabilang sa panibagong batch ng mga gadget na ipinamigay sa programang Kaalaman Ating Palawakin o KAP Program ang 1,600 flare tab, 230 cellphones, 70 tablets, 100 phablets, at 48 laptops.

Ang ikalawang bahagi ng gadget giveaway na ginawa nitong Linggo ay bilang tugon ng senador sa hiling ng marami pang guro, mag-aaral at mga magulang para matugunan ang pangangailangan sa distance learning.

Nagkaroon din ng pagkakataon ang mga hindi nabunot ngunit tumawag lamang sa gitna ng programa at ang mga nasagot ni Revilla ay nakatanggap agad ng P100,000; P50,000; P20,000 at P15,000 na umabot sa kalahating milyong pisong cash ang kabuuang naipamahagi.

Matatandaan na unang namahagi ng gadgets si Revilla noong Septyembre 25, nang magdiwang siya ng ika-54 kaarawan.

Nakapamahagi si Revilla noong kaniyang kaarawan ng 1,500 tablets, 230 cellphones, 100 phone tablets at 28 laptops, at 200 guro ang nabiyayaan ng gadgets at ang kabuuan ay naibigay nang pantay sa Luzon, Visayas, Mindanao at National Capital Region  para magamit sa blended learning.

“Kung kaya ko lang bigyan ang buong bansa ginawa ko na, kaya nga idinadaan natin sa raffle para pantay ang pamamahagi, kaso marami pa rin ang nakikiusap na muli tayong mamigay, kaya pinagbigyan nating mamahagi muli,” pahayag ni Revilla.