2,766 MAG-AARAL SA PASAY TUMANGGAP NG CASH AID
IPINAMAHAGI na ng lokal na pamahalaan ng Pasay City ang P3,000 financial assistance sa 2,766 mag-aaral sa Padre Zamora Elementary School nitong Oktubre 28.
Sinabi ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano na ang P3,000 cash aid sa mga estudyante ng PZES ay para sa buwan ng Enero hanggang Marso ng School Year 2020-2021.
Ang financial assistance ay tinanggap ng mga magulang ng mga benepisyaryong mag-aaral.
Ang naturang programa ay sinimulan noong panahon pa ng nakatatandang kapatid ni Calixto-Rubiano na kanyang pinalitang mayor at ngayon ay congressman Antonino Calixto.
Ayon kay Calixto-Rubiano, kanya lamang itinuloy ang programa upang makapagbigay ng kahit kaunting kaluwagan sa mga magulang ng mga benepisyaryong mag-aaral para na rin sa mga pangangailangan sa mga suplay na kanilang gagamitin sa kanilang pag-aaral.
Dagdag pa ng alkalde, hindi lamang sa mga estudyante ng PZES nagkaloob ng buwanang financial assistance ang lokal na pamahalaan kundi pati na rin sa 28 iba pang pampublikong eskwelahan sa lungsod.