25K PUBLIC SCHOOLS NAMAHAGI NA NG LEARNING MATERIALS
SINABI ng Department of Education na nagsimula nang mamahagi ng learning materials ang mga pampublikong paaralan, ilang linggo bago ang pagsisimula ng klase sa Oktubre 5.
Ayon kay DepEd Undersecretary at Chief of Staff Nepomuceno Malaluan, umabot na sa 25,000 sa may 42,000 pampublikong paaralan sa buong bansa ang nakapagbigay ng printing modules.
Ipinahayag din ni Malaluan na natapos na ang dry run ng may mahigit 30,000 paaralan.
Kasama rin sa nasabing dry run ang flag raising ceremony at paano ang magiging konteksto ng distance learning.
Sinabi pa ng opisyal na itutuloy pa rin ng ahensiya ang feeding program sa mga estudyanteng malnourished at mga batang stunted.
At dahil wala nang face-to-face classes, hindi na magluluto ng hot meals para sa mga bata, sa halip isusuplay na lang ang pagkain sa bahay ng mga batang sakop ng programa.
Kabilang sa programang ito ang lahat kindergarten pupils ngayong school year at mga mag-aaral na natukoy na payat at malnourished noong nakaraang taon.
Ipatutupad ang programa simula sa unang araw ng pasukan at matatapos ito bago ang school break sa Disyembre.
Nakipag-ugnayan na rin umano ang DepEd sa Food Nutrition Research Institute ng Department of Science and Technology para sa mga pagkaing maaaring isuplay sa mga batang stunted at severely wasted.
Sinabi kamakailan ng DOST-FNRI na maaaring i-adopt ng DepEd ang enhanced nutribun at iba pang makabagong food products para sa kanilang school feeding program.
Ang nutribun ay isang uri ng tinapay na may malunggay, kalabasa, at itlog, mga masusustansiyang pagkain na makatutulong para labanan ang malnutrisyon ng mga bata.