Nation

23 PANUKALA PARA SA PAGBABAGO NG PANGALAN, PAGTATAYO NG MGA ISKUL LUSOT NA SA SENATE PANEL

/ 19 March 2021

INAPRUBAHAN ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture ang kabuuang 23 panukala mula sa Mababang Kapulungan ng Kongreso para sa pagpapalit ng pangalan, conversion ng iba’t ibang paaralan upang maging independent schools at pagtatayo ng mga paaralan.

Sa virtual hearing na pinangunahan ni Committee Chairman Sherwin Gatchalian, unang inaprubahan ang mga panukala para sa pagpapalit ng pangalan ng San Manuel High School sa San Jose del Monte City. Bulacan at gawing San Manuel National High School at ang Paracellis National High School sa Mountain Province upang maging Serapio Gawan National High School.

Ilang panukala naman para sa paghihiwalay ng mga extension ng ilang paaralan upang maging independent high school sa Davao Occidental ang ieendorso na ng komite sa plenaryo.

Kasama na rito ang Lawa National High School-Nueva Villa Extension, Don Marcelino National High School-Dalupan Extension sa bayan ng Don Marcelino, Mariano Peralta National High School-Sangay extension, at Basiawan National High School-Malagsom extension sa bayan ng Malita.

Aprubado na rin ang paghihiwalay ng extension ng ilang paaralan sa Kalinga, Baguio City, Zambianga del Norte at maging sa Valenzuela City.

Kasabay nito, inaprubahan ng komite ang conversion ng ilang central school bilang integrated school sa Zamboanga del Norte at Sorsogon.

Nagkasundo na rin ang mga miyembro ng komite na aprubahan ang apat pang panukala mula sa Kamara at tatlong panukala na inihain mismo sa Senado para sa pagtatayo ng mga dagdag na paaralan.

Kabilang na rito ang pagtatayo ng dagdag na paaralan sa Mati, Davao Occidental; Santa, Ilocos Sur; Baybay, Leyte at sa Talipapa sa Quezon City.

Sa pagdinig, iginiit ni Gatchalian, kasama sina Senadora Nancy Binay at Imee Marcos, na sa pamamagitan ng pagsasaayos ng mga paaralan ay tiyak na mabibigyan ng mas malawak na oportunidad ang mga estudyante para sa dekalidad na edukasyon.