22 PANG LUMAD SCHOOLS PINANGAMBAHANG IPASARA RIN NG MILITAR
NANGANGAMBA si ACT Teachers Partylist Rep. France Castro na ipasara rin ng militar ang 22 pang operational Lumad schools.
Ang pahayag ni Castro ay batay na rin sa presentasyon ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict sa pagdinig sa Senado.
“This Senate inquiry is just a waste of people’s money for shameless and baseless accusations to progressive organizations and even the Lumad community. The Duterte administration with his bunch of generals nesting the government will continue to fail its people with their militaristic approach,” pahayag ni Castro.
Tulad ni Bayan Muna Party-list Rep. Eufemia Cullamat, binanatan ni Castro si National Security Adviser Hermogenes Esperon nang isama sa kanilang accomplishment ang pagpapasara sa 75 Lumad schools.
“Talagang nahuhuli ang isda sa sariling bibig, sa bibig na mismo ng militar nanggaling na sila ang may pakana sa mga kabi-kabilang pagpapasara ng mga eskwelahan Lumad. Nakakagalit at wala silang konsensiya para gamitin ang mga eskuwelahan bilang lunsaran ng kanilang mga madudungis na pakana,” galit na pahayag ng kongresista.
Ipinaalala ni Castro na itinatag ang Lumad schools upang mabigyan ng edukasyon ang mga kabataang miyembro ng Indigenous People community.
“Napatunayan na sa ilang taong pag-iral ng mga Lumadnong paaralan, nagbigay ito ng pag-asa sa kanila, ngunit ano ang ipinantapat ng mga militar dito? Bala, bomba, at kanyon para sapilitang lumikas at lisanin ang mga paaralan at komunidad. Ngayon, kinabukasan ng inosenteng kabataan at buhay ng mamamayang Lumad ang nakasalang,” dagdag pa ng mambabatas.
Binigyang-diin ng lady solon na ang pagtatayo ng sariling paaralan ng mga Lumad ay dahil sa kabiguan ng Department of Education na tugunan ang kanilang mga pangangailangan.