Nation

2021 SPECIAL EDUCATION FUND NG PASIG TINAPYASAN

/ 1 January 2021

BAHAGYANG nabawasan ang Special Education Fund ng Pasig City para sa 2021 bunsod ng epekto ng pagkalat ng coronavirus sa bansa.

Mula P1 billion noong 2020 ay P800 million na lamang ngayong taon ang SEF ng lungsod.

Sa kanyang post sa Facebook noong Miyerkoles ng umaga ay ibinahagi ni Mayor Vico Sotto na nagkaroon sila ng pagpupulong kasama ang ibang miyembro ng local school board kung saan tinalakay nila ang proposed utilization ng SEF para sa 2021.

“Challenging to draft this because the SEF will go down from P1 billion to P800 million. (madadagdagan/masu-supplement pa naman ito, pero ito na ‘yung mga chain reaction mula Covid19 o Enhanced Community Quarantine),” sabi ni Sotto.

“Our goal is to improve the quality of education despite the challenges,” dagdag pa ng alkalde.

Binigyang-diin ni Sotto na ang wastong nutrisyon at panksyunal na literasiya ay ang dalawang mahalagang bagay na kapag kulang ay ‘di maaabot ng bata ang buong potensyal nya.

Para sa wastong nutrisyon o Project M.B.P (Malusog na Batang Pasig), may estimated cost na P500 kada buwan kada mag-aaral para sa pagkain at bitamina. Malaki ang proyektong ito at aabot sa mahigit P600 million ang kabuuang budget para rito kada taon.

“Poor nutrition stunts physical and mental development. This will be a great investment in the future professionals and leaders of Pasig,” ayon pa kay Sotto.

“We thought about giving this in cash (food allowance), but we unanimously decided against it. May bata at magulang na gagamitin lang ang pera para sa ibang bagay… at malamang ito rin ‘yung mga bata na hindi wasto ang pagkain,” dagdag pa ng alkalde.

Magsisimula ang nasabing programa sa darating na school year 2021-2022.

Para naman sa panksyunal na literasiya, naglaan ang lokal na pamahalaan ng P74 million para sa home library project para sa Kindergarten hanggang Grade 3 pupils, P22 million sa reading kits para sa Kindergarten hanggang Grade 1 pupils, parent training program kasama ang Synergeia Foundation, at P7.6 million para sa teachers’ development o training ng mga guro.