2,000 CLASSROOMS WINASAK NG MGA BAGYO
KINUMPIRMA ni Senadora Pia Cayetano na umabot sa 2,000 classrooms ang nawasak dahil sa sunod-sunod na pananalasa ng mga bagyo sa bansa.
Sa budget deliberations para sa 2021 national budget, sinabi ni Cayetano, sponsor ng P562 billion proposed budget ng Department of Education, na kabuuang 1,532 na paaralan ang naapektuhan ng mga kalamidad.
Nasa 1,087 classrooms ang ‘totally damaged‘ habang 1,547 iba pa ang nagtamo ng ‘major damage’.
Aminado si Cayetano na ang pagsasaayos ng mga klasrum na ito ay hindi na kasama sa inilaan nilang P3.5 bilyon para sa 2021 budget ng ahensya para sa classroom repair and maintenance.
Gayunman, kinumpirma ni Cayetano na nagsumite na ang DepEd ng special request sa Department of Budget and Management para mabahagian sa National Disaster Risk Reduction and Management Fund.
Sa kabuuan, ang inilatag na bersiyon ng Senate Committee on Finance para sa pondo ng DepEd sa susunod na taon ay mas mababa ng PP5.9 bilyon kumpara sa bersiyon ng Kamara.
Samantala, isa sa naging sentro ng pagtatanong ni Senador Sherwin Gatchalian sa deliberasyon ng DepEd budget ang konstruksiyon ng mga paaralan.
Ito ay dahil sa target na 5,000 classrooms na ipatatayo ngayong taon,10 lamang ang natupad kaya kinuwestiyon ng senador ang absorptive capacity ng DepEd at ng Department of Public Works and Highways para sa pagtatayo ng naturang mga istruktura.
Noong 2018, iginiit pa ni Gatchalian na 11 lamang sa 28,170 na target na classrooms ang nakumpleto habang noong 2019 ay 180 classrooms lamang ang naipatayo sa target na 4,580.
“It’s not really the fault of DepEd that the absorptive capacity of DPWH in so far as building classrooms is really highly questionable,” pahayag ni Gatchalian.
“In fact it seems to me, I just did some simple analysis, it takes them about two years to build classrooms from start to end,” dagdag pa niya.