Nation

20% DISCOUNT SA PASAHE NG MGA GURO ISINUSULONG

/ 18 April 2021

UPANG mabawasan ang gastusin ng mga guro, nais ni Manila Teachers Partylist Rep. Virgilio Lacson na mabigyan sila ng diskuwento sa pamasahe sa lahat ng uri ng pampublikong sasakyan.

Sa kanyang House Bill 4129 o ang proposed Teacher Fare Discount Act, iginiit ni Lacson na malaking tulong sa mga guro kung mababawasan ang kanilang pang-araw-araw na gastusin.

“In order to assist our teachers in the fulfillment of their noble profession of instilling life skills and values to our schoolchildren and to better recognize and appreciate their contributions in nation-building, it is incumbent upon the State to grant fare discounts to teachers, helping them in making ends meet,” pahayag ni Lacson sa kanyang explanatory note.

Batay sa panukala, bibigyan ng 20 porsiyentong diskuwento sa regular domestic fares ng lahat ng uri ng public transportation utilities ang mga guro.

Kailangan lamang magpakita ng validated school employee’s identification card ang mga guro upang makapag-avail ng diskuwento.

Kung walang valid school employee identification card, maaaring gamitin ng guro ang kanyang Professional Regulation Commission Identification card.

Nilinaw naman sa panukala na ibibigay lamang ang pribilehiyo tuwing school days.

Ang mga driver ng pampublikong sasakyan na mabibigong magkaloob ng diskuwento sa mga guro ay papatawan ng isa hanggang tatlong linggong suspensiyon ng lisensiya at P1,000 multa.

Ang mga operator naman ng public transportation utilities na mag-oobliga ng prior booking ay mahaharap sa P1,000 multa sa unang paglabag; P5,000 sa ikalawang paglabag; P10,000 sa ikatlong paglabag at dagdag na P5,000 multa sa bawat susunod na paglabag.