2 PANG ELEMENTARY SCHOOL ITATAYO SA VALENZUELA
APRUBADO na sa 2nd reading sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang dalawang panukala para sa paghihiwalay ng mga extension campus ng dalawang paaralan sa lungsod ng Valenzuela.
Inaasahang sa pagbabalik-sesyon ng Kongreso ay tuluyan nang aaprubahan sa 3rd and final reading ang House Bills 8239 at 8240.
Isinusulong sa House Bill 8239 ni Valenzuela Rep. Weslie Gatchalian ang pagtatayo ng Santos Encarnacion Elementary School sa Barangay Dalandanan.
Alinsunod sa panukala, gagawin itong hiwalay at independent school mula sa Sto. Rosario Elemetary School.
Batay naman sa House Bill 8240, ihihiwalay na sa Malinta Elementary School ang Pinalagad Annex nito sa Barangay Malinta at tatawaging Pinalagad Elementary School.
Sa pagsusulong ng magkahiwalay na panukala, naniniwala si Gatchalian na magsisilbing solusyon ang mga karagdagang paaaralan upang maresolba ang geographic problem ng mga eskuwelahan na ilang kilometro rin ang layo sa isa’t isa.
Sa pamamagitan din ng paghihiwalay ng mga paaralan, mas marami ang maseserbisyuhan at mas maraming estudyante ang ma-a-accommodate.