Nation

2 ORAS NA PHYSICAL EDUCATION KADA LINGGO IPINASASAMA SA BASIC EDUCATION

/ 8 March 2021

IPINANUKALA ni Paranaque City Rep. Joy Myra Tambunting ang pag-oobliga sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa basic education na maglaan ng dalawang oras para sa physical education kada linggo.

Sa House Bill 8823 o ang proposed Mandatory Physical Education in Schools Act, ipinaalala ni Tambunting na ang regular na physical activity ay malaking tulong upang maiwasan ang mga sakit tulad ng heart disease, stroke, diabetes at cancer.

“Considering the many benefits of physical activity and its overall impact to an individual’s health, the government must adopt measures to promote physical fitness among its citizens to ensure a healthier citizenry,” pahayag ni Tambunting sa kanyang explanatory note.

Minamandato sa panukala ang paglalagay sa basic education school curriculum ng dalawang oras na physical education kada linggo.

Sa ilalim ng panukala, ang dalawang oras na ito ay dapat na nakapokus lamang sa physical activity at ang iba pang lectures o non-physical activities ay ilalaan sa karagdagang oras.

Mandato ng Department of Education na bumalangkas ng mga regulasyon upang matiyak ang pagsunod ng mga paaralan sa batas.