2 BUWANG SCHOOL BREAK SAPAT PARA AYUSIN ANG MODULES — SENADOR
NANINDIGAN si Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture chairman Sherwin Gatchalian na may sapat na panahon ang mga guro at estudyante para sa kanilang bakasyon o pahinga bago muling simulan ang School Year 2021-2022.
“’Yung pagbubukas ng school year this coming 2021-2022, itinakda ngayon sa September 13. So, ito ay mahigit two months from the last day of schooling. Ito ay sapat na oras para makapagpahinga ang ating mga estudyante, higit sa lahat para makapagpahinga ang ating mga guro dahil hindi lang po ang ating mga estudyante ang talagang naging abala sa pag-aaral, kundi maging ang ating mga guro,” pahayag ni Gatchalian.
“Marami akong guro na nakausap, kahit na wala tayong face-to-face classes pinilit nilang mabisita ang ating mga estudyante lalo na ang mga nangangailangan ng suporta,” dagdag ng senador.
Naniniwala rin ang mambabatas na sapat ang panahon ng bakasyon upang maisaayos ang mga bagong modules na gagamitin sa bagong school year.
Nilinaw ni Gatchalian na ang mga bagong module ay nakabatay sa natutunan ng mga bata nitong huling school year.
Nanawagan din ang mambabatas sa Department of Education na paganahin ang kanilang quality assurance team sa paggawa ng modules.
“Lahat ng school division may quality assurance at sinisigurado nila na malinis at maayos po ang pag-iimprenta at pagsasagawa ng modules at higit sa lahat sinisigurado nila na hindi makakalagpas sa kanila ang mga ganitong hindi magagandang salita. So hindi lang po ang academics o grammar ang tinitingnan kundi ‘yung mga hindi maayos na salita. At ‘yan po ang aking panawagan na higpitan po ang tinatawag nating quality assurance,” pagbibigay-diin ni Gatchalian.
Bagama’t distance learning pa rin ang pinaghahandaan ng DepEd, aminado si Gatchalian na hindi pa rin niya sinusukuan ang pagsusulong ng face-to-face classes.
“Gayunman, ang aking ninanais ay makabalik tayo sa face-to-face classes at marami pang mga estudyante at marami tayong mga magulang ay hirap pa rin pagdating dito sa distance learning lalo na sa public school. Napakalaki po ‘yung nakita kong pagkakaiba sa private school at public school. At maraming mga magulang ang gusto nang makabalik na po sa face-to-face classes,” dagdag ni Gatchalian.