Nation

2 BUWANG SCHOOL BREAK SA MGA GURO IGINIIT NG TDC

/ 7 June 2023

IGINIIT ng Teachers’ Dignity Coalition na nararapat lamang na magkaroon ng dalawang buwang bakasyon ang mga guro nang sa ganoon ay makapagpahinga ang mga ito at makapaghanda para sa susunod na pasukan.

Ayon kay TDC national chairperson Benjo Basas, entitled sa dalawang buwang school break ang mga guro at iyan ay ginagarantiyahan ng mga panuntunan at kautusan ng Civil Service Commission at Department of Education.

“Wala kasi tayong paid vacation at sick leave na mayroon ang ibang kawani, pampubliko man o pribado,” ani Basas.

Anya, anumang trabaho na ipagagawa sa mga guro sa panahon ng bakasyon ay dapat voluntary at dapat ding tumbasan ng additional compensation gaya ng service credits o overtime pay.

“Napakahalaga kasi ng school break. Ito nag panahon na maaaring makapagpahinga at makapaghanda para sa susunod na school year ang mga bata at ang mga guro matapos ang sampung buwan ng pagpasok sa eskwela. Kakaiba pa ngayon sapagkat nakaranas tayo ng matinding init na lalong nagbigay-pasakit sa lahat,” ani Basas.

Ayon sa TDC, kukulangin ang araw ng dapat sana ay bakasyon kung magsasara ang School Year 2022-2023 ngayong kalagitnaan ng Hulyo at magbubukas naman ang School Year 2023-2024 sa katapusan ng Agosto.

“Lalo pa itong mababawasan kung matutuloy ang planong National Learning Camp ng DepEd alinsunod sa kumakalat ngayong memorandum na nilagdaan nina Assistant Secretaries Alma Ruby Torio at Francis Cesar Bringas at inilabas noong Hunyo 2, 2023,” sabi pa ni Basas.

Ayon sa nilalaman ng memorandum, magkakaroon ng tatlo hanggang limang linggong learning camp sa panahon ng school break upang mabigyan ng enrichment, intervention at remediation ang mga batang mag-aaral.

“Bagama’t wala pa namang anumang detalye hinggil sa nasabing plano ng DepEd at kasalukuyan pa lamang kumukuha ng datos para dito, nakikipag-ugnayan na rin tayo sa ilang opisyal ng Central Office upang mailinaw ito,” ani Basas.

“Bagama’t batid natin na kailangang magsagawa ng mga hakbang upang matulungan ang ating mga mag-aaral na nahihirapan sa kanilang pag-aaral, dapat itong isagawa nang may pangunahing konsiderasyon sa kapakanan at karapatan ng mga guro. Tayo naman ay rasonable at nais makatulong sa ating learners, subalit dapat din tayong tulungan ng DepEd,” dagdag pa niya.