Nation

1ST BATCH NG MEDICAL SCHOLARS LEGASIYA SA MEDISINA NG DUTERTE ADMIN

ILANG buwan na lamang ay matatapos na ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

/ 16 April 2022

ILANG buwan na lamang ay matatapos na ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Naging matinding pagsubok sa gobyerno ang pagputok ng Covid19 pandemic kung saan nakita ang kakulangan ng mga doktor para tugunan ang pangangailangang medikal ng buong bansa.

Marami ang nagsasabi na kailangang maging handa pa ang Pilipinas sa mga susunod na pandemyang darating kaya pinanghawakang pag-asa ng ating mga mambabatas ang Doktor Para sa Bayan Act.

Matatandaang sa isang special report pagpasok ng taong 2022, nabanggit na ng The POST na ang Doktor Para sa Bayan Act ay pag-asang napabayaan dahil sa matagal na pagbalangkas ng Implementing Rules and Regulations at sa kawalan ng pondo para rito.

Matapos ang pangangalampag ng lahat ay nabuhay ang pag-asa ng batas na magiging legasiya ng administrasyong Duterte para sa mga susunod na henerasyon.

Sa pahayag ng Commission on Higher Education, unang nabigyan ng awtorisasyon para sa medical scholarship ang Cebu Normal University-Vicente Sotto Memorial Medical Center at ang Western Mindanao State University

Sinabi ni CHED Chairman Prospero De Vera III na ang dalawang state universities na ito ang aagapay rin sa gobyerno upang makamit ang layunin na isang doktor bawat barangay.

“CHED is aggressively assisting top SUCs develop doctor of medicine programs to address the shortage of doctors across regions of the country,” pahayag ni De Vera.

Nagkaloob na rin ng pondo ang CHED para sa pagbili ng mga equipment sa medical schools ng Mariano Marcos State University, University of Northern Philippines at West Visayas State University.

“The Duterte administration will produce more doctors through our top SUCs, who will go to underserved areas and local governments in need of health personnel,” dagdag ni De Vera.

Primacordis unang batch ng medical scholars sa Cebu Normal University

Bilang isa sa pioneer universities sa pagpapatupad ng medical scholarship sa ilalim ng Doktor Para sa Bayan Act, nakatuon din ang pansin ng mga mambabatas sa Cebu Normal University.

Makakatuwang ng CNU sa pagpapatupad ng batas ang Vicente Sotto Memorial and Medical Center kung saan bubuo ng consortium upang matiyak ang maayos na implemenatsyon ng programa.

Ayon kay CNU College of Medicine dean, Dr. Ma. Socorro Manaloto, nasa 33 ang miyembro ng first batch ng kanilang medical scholars sa ilalim ng batas.

Tinagurian ang unang batch bilang Primacordis na nangangahulugang ‘first heart’ o ‘unang puso’ dahil ang mga scholar na ito ang target na kasama sa pupuno sa pangangailangan sa manggagamot ng Cebu.

Sa ngayon, ang Cebu ay mayroon lamang 2,051 na doktor na nasa active service kung saan 72 percent ang nasa capital city habang ang iba ay nakakalat sa iba pang munisipalidad.

Batay sa programa, ang CNU ay susunod sa combination ng Cuban at Canadian model curriculum kung saan balanse ang clinical at population/community-based practice.

“In the 2022 national budget, we make sure that the CNU and the VSMMC are alloted P98 million plus for the operation of schools. Kasi nga we wanted, I want more doctors in the country and Filipinos want their children to become a doctor pero mahal. They cannot afford it,” pahayag ni Sotto, principal author ng batas, nang bumisita sa CNU.

“The Cebu consortium will be the benchmark…It’s going to be the model, benchmark and model for the entire country para tuloy na talaga nationwide ‘yung libreng maging doktor ang bawat Pilipino,” dagdag ni Sotto.

 

Tuloy-tuloy na dagdag-pondo

 

Matapos namang isulong ang P2.6 bilyong pondo para sa Doktor Para sa Bayan Act ngayong taon, iginiit ni Senador Joel Villanueva na dapat taon-taon ay tiyaking itaas ang budget para sa medical scholarship.

“At the minimum of 1 per 1,000, the country has a shortage of 80,000 doctors,” pahayag ni Villanueva.

“By 2030, our population will increase to 125 million, and 15 million more Filipinos would ideally need 45,000 doctors,” paliwanag pa ng senador.

Si Villanueva na siyang chairman ng Senate Committee on Higher, Technical and Vocational Education, ang principal sponsor ng batas.

“Next year, the budget should be increased because erasing the national backlog of doctors should not be delayed,” giit ng mambabatas.

Binigyang-diin niya na ang dagdag na bilang ng scholars ay nangangahulugan ng dagdag na mga doktor sa mga susunod na panahon.

“With the Doktor Para sa Bayan Act and more SUCs offering medical courses, the dream of becoming a doctor and the dream of medical services for the masses are both close to reality for Filipinos,” diin ni Villanueva.

 

College of Medicine itatayo sa Southern Luzon State University

 

NASA P100 milyong pondo naman ang inilaan para sa pagtatayo ng College of Medicine sa Souther Luzon State University.

Ayon kay Quezon 4th District Rep. Angelina D.L. Tan, ito ay inisyal na pondo lamang ng unibersidad para sa implementasyon ng Doktor Para sa Bayan Act at inaasahang madaragdagan pa ng suporta sa susunod na mga taon.

“We were able to ask for funds for the building that will be used here in SLSU for the College of Medicine. Luckily, this year, 2022, in the GAA, they gave an initial fund worth P100 million,” pahayag ni Tan.

Nangako si Tan na titiyakin ang tuloy-tuloy na daloy ng medical services sa kanilang lalawigan.

“This is why I am pushing for the College of Medicine and the Doktor Para sa Bayan Act. This is what our actions will be anchored on, its implementation.” anang kongresista.

Binigyang-diin naman ni Sotto na alinsunod sa kanilang inaprubahang batas, ang mga rehiyon na walang state university na nag-aalok ng College of Medicine ay maaaring makipag-tie up sa mga pribadong paaralan para sa implementasyon ng programa.