1ST AT 2ND YEAR NURSING STUDENTS BILANG NURSING AIDE PINALAGAN
HINDI pabor si Barangay Health Wellness Party-list Rep. Angelica Natasha Co sa ideya ng Department of Health na payagang maglingkot bilang nursing aide at nursing assistant ang mga 1st at 2nd year nursing student.
Ipinaliwanag ni Co na hindi pa handa sa mga tungkulin bilang nurse ang mga 1st at 2nd year student dahil general education subjects pa lang ang kanilang napag-aralan.
Ipinayo na lamang ng kongresista na kung nais ng DOH na solusyunan ang kakapusan sa nursing personnel, mas praktikal kung ang mga 3rd year at nursing graduates na hindi pa pumapasa sa board exam ang kanilang payagang maging nursing aide at nursing assistant.
Subalit nilinaw ng mambabatas na kailangan pa ring magtakda ng qualifying practical exam ang DOH at hospitals na kukuha sa serbisyo ng 3rd year nursing student.
Iginiit pa ng mambabatas na ang mga undergraduate nursing student ay dapat na italaga sa mga hindi critical job sa mga ospital.
Kailangan din aniyang matiyak na ang itatalaga sa pag-aasikaso sa mga pasyente ay mga registered nurse pa rin upang masiguro ang kaligtasan ng mga ito.