1K ESTUDYANTE BIBIGYAN NG TABLETS NI KAP
MGA ESTUDYANTE ang nais na bigyan ng regalo ni Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. sa kanyang ika-54 na kaarawan sa Setyembre 25 sa pamamagitan ng pamamahagi ng tablets na magagamit sa distance learning.
Ayon kay Revilla, bahagi ng kanyang programang ‘Karunungan Ating Palaguin’, mamamahagi siya ng 1,000 gadgets bukod pa sa iba pang regalo mula naman sa kanyang mga sponsor.
Bukod dito, nangako ang senador na gagamitin din niya ang kanyang kita mula sa social media accounts bilang premyo sa isasagawa niyang raffle.
Kasabay nito, pinasalamatan ng senador ang kanyang mga tagasuporta at lahat ng mga nanalangin upang makarekober siya makaraang tamaan ng Covid19 habang nagpasaring sa kanyang mga basher.
“At doon po naman sa mga basher ko na pinananalangin pong ako’y mamatay, pinatatawad ko na po kayo. Wala po sa akin ‘yun. Alam ko pong trabaho lamang ‘yan, may nagpapa-bash para sa akin. Pero okay lang po ‘yun. Pero sana po ay isipin ninyo rin na may karma, baka kayo ang balikan ng karma. Kayo rin ang mahihirapan dahil mahirap po magkasakit,” pahayag ni Revilla.
Hinikayat din ng senador ang mga Covid19 patient na lakasan lamang ang kanilang look at malalagpasan din ang anumang pagsubok.