Nation

19K UNDOCUMENTED STUDENTS NABIGYAN NG SCHOLARSHIP VOUCHER

/ 22 March 2024

UMAABOT sa 19,000 estudyante na pawang hindi matukoy ang identity at walang mga dokumento ang nakinabang sa voucher system sa ilallim ng Expanded Government Assistance to Students and Teachers in Private Education program ng Department of Education.

Sa pagdinig sa Senado, inamin ni Rodrick Edsel Malonzo, Monitoring and Processing Officer ng Private Education Assistance Committee, na wala silang makitang dokumennto ng naturang mga benepisyaryo.

Nangangahulugan ito, ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, chairman ng Committee on Basic Education, na sinisingil ng mga private school ang gobyerno gayong wala namang maipakitang patunay o dokumento na nag-e-exist o tunay ang mga estudyante.

Kaya ang tanong ni Gatchalian ay kung maituturing ba ang mga ito na ‘ghost students’ subalit sinabi ni Malonzo na sa ngayon ay itinuturing pa lang nila ang mga ito na undocumented students.

Batay naman sa imbestigasyon ng Commission on Audit, nasa 115 senior high school student beneficiaries noong School Year 2016-2017 ang kinonsidera nilang ‘ghost students’ matapos na dalawang beses silang makakuha ng voucher sa loob ng isang taon.

Ipinaliwanag naman ni Imelda Celso ng COA na posible ring nagkaroon ng error sa monitoring at sa listahan ng mga benepisyaryo matapos na dumoble ang nakuha ng mga ito na voucher.

Aabot naman sa P239 million ang kailangang i-refund o ibalik sa voucher program dahil sa mga undocumented student.