Nation

1992 DILG-UP ACCORD NANGANGANIB MAKANSELA

/ 2 February 2021

MAKARAANG tuldukan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang 1989 DND-University of the Philippines Accord, nais na rin ni bagong talagang National Police Commission Vice Chairman Vitaliano Aguirre na lusawin ang DILG-UP agreement noong 1992.

Ang NAPOLCOM ay attached agency ng DILG.

Ang 29 taong DILG-UP pact ay nilagdaan nina dating Interior Secretary Rafael Alunan III at dating UP President Jose Abueva na naglilimita sa pagpasok ng pulisya sa UP campuses.

Paliwanag ni Aguirre, wala namang masama sa probisyon ng kasunduan subalit posible aniyang ang nakapaloob doon ay hindi na applicable ngayon kumpara sa nakalipas na 29 taon.

Sinabi pa ni Aguirre na may punto si Lorenzana na kanselahin ang kanilang kasunduan sa UP kung sa obserbasyon nito ay hindi na epektibo o hindi na nagagamit sa panahon ngayon.

Kinausap na rin ni Aguirre sina Alunan, dalawang dating PNP chief, Recaredo Sarmiento at Art Lomibao, dalawa pang heneral sa nasabing kasunduan, at para sa kanya, dapat nang magkaroon ang access ang pulisya sa mga campus ng UP upang matiyak ang seguridad at agad mag responde kung may naganap na krimen.

Naniniwala rin ang Napolcom vice chairman na hindi sinasagkaan ang academic freedom sa UP sa naging hakbang ni Lorenzana at kahit pa makapasok ang mga pulis at sundalo sa kanilang mga campus ay walang ibang hangarin ang pamahalaan kundi ang proteksyonan ang mga mag-aaral at maging ang mga residente sa paligid ng pamantasan.

Paglilinaw naman ni Aguirre na personal na opinyon lamang niya ang pagkansela sa DILG-UP accord at hindi ng buong organisasyon.