199 ONLINE CADET APPLICANTS APRUBADO, EXAM ITINAKDA SA MARSO
HALOS 200 aplikante para maging kadete ng Philippine National Police Academy ang inaprubahan ng naturang state police academy at kasama sa maaaring kumuha ng PNPA Cadet Admission Test sa Marso 7, 2021.
Ang nasabing bilang ay kinabibilangan ng 140 lalaki at 59 babae at upang malaman kung sino-sino ang mga naaprubahan sa PNPACAT online application ay maaaring pumasok sa website ng akademya.
Sa nasabing post ay makikita ang mga pangalan ng nais maging kadete ng PNPA.
Paglilinaw ng akademya na ang mga naaprubahan sa online ay yaong mga nag-apply noong Disyembre 6 hanggang Disyembre 13.
Una nang itinakda ng pamunuan ng PNPA sa Nobyembre 8 ang PNPACAT Examination subalit naantala at itinakda sa Marso 7, 2021.
Tiniyak naman ng PNPA Registrar na ipadadala sa mga 199 approved PNPCAT online applicant ang notice of examination o kaya naman ay maaari itong i-download mula sa PNPA website.
Samantala, nanawagan si PNPA Director BGen. Rhoderick Armamento sa mga kabataan na nakapagtapos ng senior high school na pumasok sa akademya upang maging iskolar para sa bayan.
Sinabi ng heneral na hanggang Enero 31, 2021 pa ang online application para maging kadete ng PNPA.