19,760 SUMALANG SA PNPA CADET ADMISSION TEST
KABUUANG 19,760 aplikante o 76.55% ng 25,811 registered applicants ang kumuha ng Philippine National Police Academy Cadet admission test sa inilaang 34 testing centers sa buong bansa noong Marso 7 at 8.
Sa nasabing bilang, 11,903 ang kumuha ng pagsusulit sa Day 1 o noong Marso 7 habang 7,857 naman sa ikalawang araw na kapwa maituturing na matagumpay, ayon kay PNPA Public Information Office Chief, Maj. Louie Gonzaga.
Magugunitang iniulat ni PNPA Director, Maj. Gen. Rhoderick Armamento kay PNP Chief, Gen. Debold Sinas na nasa 26,000 ang nag-apply online para sa pencil and paper test format ng PNPACAT o face-to-face examination.
Sa mga kumuha ng pagsusulit, 14,594 ang lalaki at 5,166 ang babae.
Ang examination papers ay binubuo ng communication skills, Math, Science, Logical/Abstract Reasoning, General Information, Current Events at Values.
Sakaling mapabilang sa top 1,000 at matapos ang apat na taong pag-aaral, sila ay magiging bahagi na ng PNPA Class of 2025 at habang nag-aaral sa police state university, sila ay tatanggap ng P38,000 monthly pay at allowances.
Ipinaliwanag ni Sinas na walang passing grade sa resulta ng pagsusulit subalit kinakailangan lamang na makasama sila sa top 1,000.