170K NA MAY EDAD 5-11 NAGPAREHISTRO NA PARA SA COVID19 VAX
MAY kabuuang 168,355 bata na may edad lima hanggang 11 ang nagparehistro na para sa pagbabakuna laban sa Covid19 sa kanilang local government units, ayon sa Department of Health.
“Hindi ibig sabihin na naka-concentrate o sila lang ang bibigyan. Ine-expand natin ito habang dumadami ang bakuna na dadating sa ating bansa,” wika ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje.
Ayon kay Cabotaje, kahit walang comorbidity ay maaari nang magpabakuna.
“Hindi kagaya ng 12 to 17 na nauna ang may comorbidity, gusto natin mas mabilis ang bakunahan, kaya pagsasabayin natin ang pagbakuna ng may comorbidity at walang comorbidity,” sabi pa ni Cabotaje.
Taliwas ito sa pahayag ni National Task Force vs Covid19 adviser Dr. Ted Herbosa na ang mga may edad 5 hanggang 11 na may comorbidities ang uunahin sa Covid19 vaccination program ng gobyerno.
Para sa mga batang may comorbidities, kailangang ipakita ng kanilang mga magulang o guardian ang kanilang medical certificate, gayundin ang patunay ng kanilang relasyon sa mga vaccination center.
Kabilang sa mga ospital na gagawing vaccination sites ang National Children’s Hospital, Philippine Children’s Medical Center, at ang Philippine Heart Center.