168 ESTUDYANTE NA-RECRUIT NG NPA MULA SA MGA PAARALAN
NASA 168 estudyante na na-recruit ng New People’s Army ang nahuli, sumuko o napatay mula 2014 haggang ngayong taon.
Ito ang kinumpirma ng Philippine National Police sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs kaugnay sa radicalization sa educational institutions.
Inilabas din ng pulisya ang talaan ng mga eskwelahan na may recruitment na nangyayari, kabilang ang Putian National High School sa
Capiz, mga campus ng University of the Philippines, Dela Salle University, Bicol University, Ateneo de Davao at PUP.
Lumitaw rin sa datos ng PNP na 11 ang na-recruit sa elementary, 34 sa high school at 123 sa kolehiyo.
Kasabay nito, kinalampag ni Senador Ronald ‘Bato‘ dela Rosa ang mga guidance counselor ng bawat educational institution na i-profile ang mga estudyante na posibleng madaling ma-recruit para sumapi sa New People’s Army.
Sa pagdinig ng Senado, sinabi ni Dela Rosa na mas dapat tutukan ng pagbabantay ang mga estudyante na matatalino subalit tila mga galit sa mundo at medyo tahimik dahil sila ang madaling mapaniwala at mahimok.
Iginiit ng senador na nagpapaikot-ikot lamang sa mga unibersidad ang mga recruiter ng mga NPA at naghahanap ng mga estudyante na madaling maengganyo.
Samantala, inamin ni Nellie Jo Aujero-Regalado, chief ng Legal Office ng University of the Philippines Visayas, na bagama’t wala sa talaan ng PNP ang kanilang unibersidad kaugnay sa recruitment, nababahala naman sila sa red tagging sa kanilang dalawang campus.
Ayon kay Aurejo-Regalado, kahit hindi naman myembro ng mga komunistang grupo ang mga UPV student ay nakararanas ang mga ito ng diskriminasyon at harassment.
Mayroon, aniya, kasing imahe na kapag UP student ay identified sila bilang komunista at terorista.