16 PMA PERSONNEL SINANAY BILANG COVID19 CONTACT TRACERS
UPANG agad mapigilan ang pagkalat ng Covid19 sa mga kadete, professor at iba pang staff, sinanay ng pamahalaang lokal ng Baguio at ng pulisya ang 16 tauhan ng Philippine Military Academy.
Sa panayam ng The POST, sinabi ni Baguio City Police Director Col. Allen Rae Co na mismong si contact tracing czar at Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang nag-atas na sanayin ang mga tauhan ng akademya upang sila mismo ay mapigil ang Covid19 contagion.
Kamakailan ay natuklasan na mahigit 30 ang nagpositibo sa nasabing sakit kaya naman para hindi na lumawak ang kaso ay dapat alam na kung paano matutukoy ang infected sa loob ng akademya.
Sinabi ni Co na 16 personnel ng PMA ang isinailalim sa contact tracing techniques na may apat na modules tulad sa National Task Force (NTF): COVID 101, Retooled Contact Tracing System, Contact Tracing Analytical Tools at Cognitive Interviewing Skill.
Pinasalamatan naman ni Magalong ang mga kalahok na PMA personnel na may kusang-loob na matuto at sumuporta para mapigilan ang pagkalat ng virus, hindi lamang sa academy kundi maging sa naturang lungsod.
Pinangunahan at ibinahagi ni Co ang technique sa paghawak sa positive cases, kabilang ang pagsasagawa ng ocular inspection at strategizing engineering at administrative adjustment para mapigil ang pagkalat ng virus sa workplace.
Sa ngayon ay may sariling quarantine facility ang akademya sa mga natukoy na positibo.