155 ERRORS NAKITA NG DEPED SA MODULES
HINDI lahat ng mga nakikitang mali sa self-learning modules ay galing sa mga materyales ng Department of Education.
Ito ang binigyang-diin nina DepEd Usec. Tonisito Umali at Diosdado San Antonio sa pagdinig ng House Committee on Public Accounts hinggil sa mga nakitang pagkakamali sa mga self-learning module.
“Hindi po lahat ng nakikita nating mali ay gawa ng DepEd, hindi ginawa o hindi natin alam kung may ganoon talagang aklat kasi hinanap at kung mayroon po, dahil talaga naman pong we want to do better, kung talagang may mali, itatama namin,” pahayag ni Umali.
“Marami pang lumalabas sa internet na hindi po DepEd books,” dagdag pa ng opisyal.
Iniulat ni San Antonio na kabuuang 155 errors ang kanilang nakita sa mga learning material.
Mula ito sa 163 na naiulat na pagkakamali mula October 2020 hanggang June 2021 at sumalang sa validation kaya naibaba sa 155.
Sinabi ni San Antonio na 100 sa mga mali ay mula sa locally-developed materials o mga ginawa ng division office level at nakapag-isyu na ng errata.
Idinagdag ni San Antonio na nagpalabas na sila ng notes sa mga guro upang itama ang mga pagkakamali habang ang mahigit 20 sa mali ay hindi nila matukoy kung saan nagmula.
“Hindi po ‘yan ma-locate, wala pong nakapagpakita sa amin na nasa DepEd ‘yan o ginawa ‘yan ng DepEd,” diin ni San Antonio.
Samantala, iprinisinta naman ng resource person na si Antonio Calipjo-Go ang learning material ng DepEd mula sa Mabalacat, Pampanga na may bastos na salita sa paglalarawan sa aswang.
“Aswang-siya rin ay isang diyos pero ang Aswang ay pininiwalaan na ito’y tao na kumakain ng kapwa tao, kung minsan ang mga ito ay pinapaniwalaan na may mga pakpak at sila raw ay gising kung gabi para maghanap ng makakan**t or maaswang,” nakasaad sa learning material.
Nilinaw naman ni San Antonio na hindi nila itinatanggi ang mga pagkakamali dahil naglalabas naman sila ng errata.
Iginiit ni San Antonio na ang naturang pagkakamali ay inamin na rin ng Region 3 DepEd at nagpalabas na sila ng pagpapaliwanag, paumanhin at pagtatama.
Na-recall na rin ang module noon pang Pebrero.