15% STUDENT DISCOUNT SA LIBRO, IBANG SCHOOL SUPPLIES ISINUSULONG SA KAMARA
ISA pang panukala para sa pagkakaloob ng diskuwento sa mga kagamitan sa pag-aaral ng mga estudyante ang isinusulong sa Kamara.
Sa House Bill 454 o ang proposed Student Assistance Act, binigyang-diin ni Manila 1st District Rep. Manuel Luis Lopez na isa sa dahilan kaya hindi nakapag-aaral ang ilang kabataan ay ang mataas na presyo ng mga kailangan sa edukasyon.
Sinabi ni Lopez na batay sa 2013 Functional Literacy, Education and Mass Media Survey ng Philippine Statistics Authority, isa sa bawat 10 o katumbas ng apat na milyong Filipino children and youth ang hindi nag-aaral.
Sa panukala ng kongresista, bibigyan ng diskuwento ang mga estudyante sa pagbili ng academic books o anumang libro na kasama sa kakailanganin sa pag-aaral; uniporme; mga ball pen, lapis, highlighters at iba pang essential writing materials; notebooks; writing paper, bond paper at lahat ng intermediate pad paper; gayundin sa iba pang materyales na gagamitin sa educational purposes.
Batay sa panukala, ang kailangan lamang ay valid school ID card ng estudyante para maka-avail ng 15 percent na diskuwento sa mga kagamitan.
Sa sandaling maisabatas ang panukala, ang mga business establishment na hindi magbibigay ng discounts ay papatawan ng multang mula P5,000 hanggang P20,000 o pagkakulong na mula isang araw hanggang 30 araw.
Kung ang lumabag ay ang mismong operator, manager o may-ari ng establishment, papatawan ito ng pagkabilanggo na mula tatlong buwan hanggang isang taon o multang mula P100,000 hanggang P500,000.