15 MINUTO SA KADA ORAS NA AIRTIME NG BROADCAST MEDIA IPINALALAAN SA EDUCATIONAL PROGRAMS
ISINUSULONG ni Samar 1st District Rep. Edgar Mary Sarmiento ang panukala na mag-oobliga sa broadcast media networks na maglaan ng airtime kada oras para sa educational programs.
Sa House Bill 8830, nais ni Sarmiento na magpataw ng parusa sa mga network na hindi tutugon sa mga probisyon ng panukala.
Sinabi ni Sarmiento na pinatunayan sa karanasan sa Covid19 pandemic na marami pang lugar sa bansa ang walang internet connection.
“With the use of modules alone, students encountered difficulties in understanding their lessons without other complementary materials,” pahayag ni Sarmiento sa kanyang explanatory note.
Binanggit din ni Sarmiento ang pag-aaral ng Kantar Media Philippines noong 2017 na lumilitaw na ang television o broadcast media pa rin ang ‘top touchpoint’ sa media consumers.
“Hence, television, as the most accessible platform of information in the country could take part in reaching a wide coverage of the preschool and pre-teen demographic,” dagdag ng kongresista.
Inihalimbawa pa ng mambabatas ang mga educational television program na ipinalalabas noon sa telebisyon tulad ng Sineskwela, Hiraya Manawari, Epol/Apple, Pahina at Batibot.
Batay sa panukala, lahat ng broadcast media network ay oobligahing maglaan ng 15 minuto ng kanilang airtime kada oras mula alas-6 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali at mula alas-3 ng hapon hanggang alas-8 ng gabi para sa educational programs.
Pamamahalaan ng Department of Education, Department of Science and Technology, National Telecommunications Commission at ng Philippine Information Agency ang paggawa ng educational programs.
Ang nilalaman ng bawat programa ay dapat na nakabatay sa curriculum ng DepEd para sa mga estudyante mula pre-school hanggang senior high school.
Ang kabiguan ng broadcast media network na tumugon dito ay gagamiting ground para hindi na ma-renew ang kanilang prangkisa.