14 PUBLIC SCHOOLS SA PARANAQUE PINALALAGYAN NG E-LIBRARY, COMPUTER LABORATORY
NAIS ni Paranaque City Rep. Joy Myra Tambunting na linangin pa ang kaalaman ng mamamayan sa lungsod sa pamamagitan ng pagtatayo ng E-Library at Computer Laboratory sa 14 pampublikong paaralan.
Inihain ni Tambunting ang House Bills 9497, 9498, 9499, 9500, 9501, 9505, 9506, 9507, 9508, 9509, 9510, 9511, 9512 at 9513 para maitayo ang E-Library at Computer Laboratory sa Dr. Arcadio Santos National High School, F. Serrano Sr. Elementary School, Marcelo Green Elementary School, Masville Elementary School, Masville National High School, Moonwalk National High School, Don Bosco High School, Marcelo Green High School, San Antonio High School, Sampaloc Site II Elementary School, San Agustin Elementary School, San Antonio Elementary School, Sun Valley Elementary School at Sun Valley National High School.
Sinabi ni Tambunting na dahil sa Covid19 pandemic, malaking pagsubok sa mga estudyante at guro ang biglaang pagpapatupad ng blended learning.
Idinagdag pa ng kongresista na dala na rin ng modernong panahon ay kailangan na ring makasunod ang mga pampublikong paaralan sa kinakailangang teknolohiya para magamit ng mga estudyante at guro.
“As such, there is a need to introduce available technologies to the education sector so as to familiarize students and educators with these technologies,” pahayag ni Tambunting sa kanyang explanatory note.
Batay sa mga panukala ni Tambunting, itatayo at pupunan ang mga e-library and computer laboratory ng mga paaralan ng tig-30 units ng computers na may internet access.
Dapat ding magkaroon ng access ang mga e-library sa digital libraries at collections ng National Library of the Philippines.
Nakasaad din sa panukala na kinakailangang maging limitado sa mga research at iba pang educational purposes ang gamit sa e-libraries.
Binibigyang mandato naman sa panukala ang Department of Education at Department of Information and Communications Technology na bumalangkas ng mga regulasyon para sa e-library at computer laboratory.