13K MAG-AARAL SA PASAY MULING TATANGGAP NG CASH AID
MULING makatatanggap ang mga mag-aaral sa Pasay City ng tulong pinansiyal ngayong araw, Pebrero 21, hangang Pebrero 25.
Sa anunsiyo ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, nakahanda na ang distribusyon ng cash aid sa 13,390 estudyante sa elementary at high school.
Ang bawat estudyante ay makatatanggap ng P4,000 cash aid para sa Setyembre hanggang Disyembre 2021.
Paliwanag ni Calixto-Rubiano, ang pamamahagi ng ayuda sa mga estudyante ay naantala dahil sa muling pagsipa ng kaso ng Covid19 dahil sa Omicron variant.
Sinabi ni Calixto-Rubiano na ang mga benepisyaryong estuyante na makatatanggap ng P4,000 cash assistance ay magmumula sa siyam na eskwelahan sa lungsod.
Unang mamamahagi ng ayuda ang lokal na pamahalaan sa mga estudyante ng Juan Sumulong Elementary School ngayong araw.
Sa Pebrero 22, Miyerkules, ay nakatakda namang mamahagi ng cash aid sa mga estudyante ng tatlong eskwelahan na kinabibilangan ng Epifanio De los Santos Elementary School, Philippine School for the Deaf, at Rafael Palma Elementary School.
Nakatakda naman ang pamamahagi ng ayuda sa mga estudyante ng Bernabe Elementary School, Pasay City National Science High School, Cuneta Elementary School, at Philippine National School for the Blind sa Pebrero 23.