130 LECTURE EPISODES TARGET NG DEPED NA IPALABAS SA TV
TARGET ng Department of Education na maipalabas sa kanilang mga partner TV channel ang 130 episodes ng kanilang mga lecture bilang bahagi ng ipinatutupad na bagong learning system sa gitna ng Covid19 pandemic.
Sa pagdinig ng Senate committee on basic education, arts, and culture, sinabi ni DepEd Director Abram Abanil na ipalalabas ang lecture episodes mula alas-7 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi.
Ang bawat episode ay tatagal ng 20 minuto na may tig-limang minutong break at nakatutok lamang sa major subjects.
“There are supposed to be 220 subject areas but as of the moment, hindi pa namin kaya ‘yung 220 so we are targeting only for the major subject areas this coming October 5, so 130 episodes per week,” pahayag ni Abanil.
Sinabi ni Abanil na posibleng sa January ay maiakyat na nila sa 220 episodes kada linggo ang maipalalabas sa kanilang partner stations, kabilang na ang IBC 13, PTV4, Solar TV, Planet Cable, Philippine Cable and Telecommunications Association at Cignal TV.
Sa ngayon, sinabi ni Abanil na mayroon na silang limang studios, 18 public schools para sa off-site shootings, 107 teacher broadcasters at 72 production staff.
Plano ng DepEd na simulan ang pag-eere ng 24 episodes mula September 21 hanggang 25 upang makita ang magiging problema.
Iginiit naman nina Senador Nancy Binay at Senador Win Gatchalian sa DepEd na i-upload din sa YouTube o iba pang platforms ang mga episode upang maaari itong mabalik-balikan ng mga estudyante.