13 TV CHANNELS AMBAG NG SENADOR SA DISTANCE LEARNING
SA HALIP na mamahagi ng gadgets, target ni Senador Manny Pacquiao na magkaloob ng 13 TV channels na maaaring gamitin ng Department of Education sa kanilang distance learning ngayong school year 2020-2021.
Naniniwala ang kampo ng Pambansang Kamao na mas magiging praktikal ang pagkakaroon ng TV channels na magagamit sa distance learning sa halip na mamahagi ng mga gadget na maaaring hindi rin magamit kung wala namang internet connection.
“Alam ko rin na hindi pa 100% coverage ‘yang internet natin sa Filipinas, kaya kahit may pambili ka ng laptop o gadget, hindi ka pa rin nakasisiguro na aabot sa’yo ang mga aralin buhat sa DepEd,” pahayag ni Pacquiao.
Sa paliwanag ni dating Usec. Tim Orbos, ang namamahala sa proyekto ni Pacquiao para sa mga estudyante, nationwide ang target na sakupin ng TV channels nang walang gagastusin ang gobyerno.
“The channels are digital channels that will be aired via satellite broadcast. They will then be made available free to cable providers, LGUs that we can help secure the downlink and other broadcast operators who would like to carry the signal,” paliwanag ni Orbos sa mensahe sa The POST.
Sinabi pa ni Orbos na sa kanilang plano, walong oras kada araw sa loob ng 22 araw kada buwan ang ilalaan sa mga TV channel para sa distance learning.
“This will be at no cost to the government and expenses will be undertaken by the private sector, the Senator’s friends who responded to his call,” dagdag pa ni Orbos.
Sinabi ni Pacquiao na nararamdaman niya ang hirap ng mga mag-aaral at ng kanilang mga magulang kaya isinusulong niya ang mga proyektong makatutulong sa distance learning.
“Kaya wala nang dahilan para hindi matuloy ang pag-aaral ng mga bata ngayong darating na pasukan” sinabi ni Pacquiao.
“Kung saan ako muntik nang magkulang, maaga kong pupunuan. Dahil napakahalaga ng pag-aaral para sa kinabukasan ng ating mga kabataan,” dagdag pa ng senador.