Nation

13 SCHOLARS NG NPC NAKATANGGAP NA NG CASH SUBSIDY

/ 3 August 2021

HINDI hadlang sa National Press Club, sa pamumuno ni Paul M. Gutierrez, ang Covid19 pandemic para maipagpatuloy ang kanilang scholarship program para sa anak ng mga miyembro nito.

Sa isang simpleng seremonya noong Hulyo 30, ipinagkaloob ng NPC ang cash subsidy para sa 13 estudyante na pawang mga nasa kolehiyo.

Apat sa mga scholar ang tumanggap ng P15,000 bawat isa para sa tatlong semestre, habang ang iba ay tig-P10,000 at P5,000.

Hinikayat ni Gutierrez, presidente ng NPC, ang mga estudyante na pagbutihin ang kanilang pag-aaral.

Sinabi ni Gutierrez na walang mataas na grade requirement na itinatakda sa bawat scholar kundi ang maipasa lamang ang bawat semestre.

Paalala ni Gutierrez, sa sandaling magkaroon ng bagsak na grado ang isang scholar ay matatanggalan ito ng subsidiya.

Kaugnay nito, lubos ang pasasalamat ng  NPC sa ACT-CIS partylist at kay TV broadcaster Erwin Tulfo sa pagbibigay nito ng tulong pinansiyal sa NPC upang mapondohan ang subsidy para sa anak ng mga taga-media.

Nabatid kay Gutierrez na ipagpapatuloy ng ACT-CIS partylist at ni Tulfo ang pagsuporta sa naturang programa ng NPC hanggang sa makapagtapos sa kolehiyo ang 13 iskolar.

Samantala, sinabi ng Education Committee, sa pamumuno ni Alvin Murcia, na ang scholarship program ang magiging magandang pamana ng kasalukuyang liderato ng NPC, bukod sa malaking tulong ito sa mga learner para sa matatag nilang pundasyon sa buhay.