1,114 SCHOOLS INIREKOMENDA PARA SA DRY RUN NG F2F CLASSES
NASA 1,114 eskuwelahan ang rekomendado para magsagawa ng dry run ng face-to-face classes sa mga lugar na mababa ang panganib sa Covid19, ayon kay Education Secretary Leonor Briones.
NASA 1,114 eskuwelahan ang rekomendado para magsagawa ng dry run ng face-to-face classes sa mga lugar na mababa ang panganib sa Covid19, ayon kay Education Secretary Leonor Briones.
“So far, ang ni-report ng ating mga regional directors last week ay 1,114 schools ang na-nominate out of 61,000 schools,” sabi ni Briones sa Laging Handa briefing.
Subalit sinabi ng kalihim na ang National Capital Region na siyang sentro ng outbreak at dalawa pang rehiyon ay hindi muna sasali sa nasabing dry run.
“Tatlong regions ang nag-beg off at this time. Alam na natin ang NCR at naintindihan natin iyan. Ang Davao nag-beg off also, ang Cotabato nag-beg off pero ang malaking demand talaga is in Region IV-A, Region VIII, the other regions nagba-vary,” sabi ni Briones.
“Pero ang final listing will be very much lesser than 1,114 considering na may ibang factor tayong tinitingnan, kino-consider kaya gusto nating written consent from the parents,” dagdag pa ng kalihim.
Sinabi rin ni Briones na iba-iba ang tugon ng mga magulang sa dry run ng face-to-face classes.
“Mayroong iba galit na galit dahil gusto nila ng face-to-face, mayroong iba naman galit na galit dahil ayaw nila ng face-to-face, kaya kailangan mayroong written consent. But what is very clear is that children spend most of their time at home. And we know the different conditions of the homes of our learners kaya very important consideration ito,” sabi pa ni Briones.
Nitong Lunes ay inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsasagawa ng pilot testing ng face-to-face classes sa mga lugar na mababa ang panganib sa Covid19 sa Enero 2021.